Nanawagan sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) na huwag mag-hoard ng oxygen tanks sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa delta variant.
Ayon kay FDA chief undersecretary Eric Domingo, posible kasing sumabog ito sa mga bahay o manganib ang pasyente kung gagamitin ito ng hindi tama.
Giit ni Domingo, hindi tama na magtago ng tangke ng oxygen sa bahay kahit ba ito ay reserba lamang.
Highly flammable at combustible umano ang mga ito, kaya hindi ligtas na may oxygen tank sa bahay.
Una rito, umapela ang FDA sa publiko na i-report agad sa mga awtoridad sakaling may impormasyon hinggil sa mga nag-ho-hoard ng oxygen tank.