Wala pang inaaprubahang bakuna ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa monkeypox virus.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, wala pa rin kasing Emergency Use Authorization (EUA) ang mga lumalabas na bakuna na siyang batayan para makapagpasok ng antivirals laban sa nasabing sakit.
Pero, pinag-uusapan na raw ng DOH at World Health Organization (WHO) kung saang bansa maaaring bumili ng monkeypox antivirals sakaling magkaroon ng outbreak sa bansa.
Aniya, posibleng gamitin ng bansa ang MVAMUNE o IMVANEX vaccine mula sa United States para mapigilan ang pagkalat ng monkeypox or smallpox.
Sa kabila nito, iginiit ng kalihim na bukod sa bakuna, marami pang paraan para maiwasan ang nasabing virus gaya ng strict border control, mas mahigpit na symptoms screening at pagsunod sa minimum public health standards.
Matatandaang una nang sinabi ni Duque na sa ngayon ay wala pang pangangailangan sa pagsasara ng borders ng bansa.