Patuloy na nananawagan ang grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association sa Pamahalaan (FEJODAP) na payagan nang muling makapamasada ang mga tradisyunal na jeep.
Ayon kay FEJODAP president Zeny Maranan, kanilang hinintay ang anunsyo ng pamahalaan hinggil sa usapin noong nakaraang Huwebes at Biyernes.
Ito aniya ay matapos sabihin ni Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra na maaari nang makabalik operasyon ang mga tradisyunal o lumang jeepney ngayong darating na linggo.
Apela ni Maranan sa pamahalaan na huwag munang ipatupad ng buo ang tinatawag na consolidation ng mga jeepney at payagan na muna silang makapag-operate para makabawi ng kita.
Dagdag ni Maranan, bukas din naman ang mga tsuper at operator na magpatupad ng mga kinakailangang health protocols tulad ng limitadong bilang ng pasahero kada jeep, paglalagay ng plastik na dibisyon gayundin ng alcohol.
Maaari rin aniyang ipatupad ang pagbabayad ng mga pasahero sa terminal bago sumakay o ang paglalagay ng mga cashless payment system sakaling payagan pang makabiyahe ang mga lumang jeep sa karagdagang tatlong taon.