Mariing tinutulan ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Zeny Maranan, ang pagbubukas ng mga prangkisa para sa application based taxis, katulad ng Uber taxi.
Iginiit ni Maranan na sa halip na ang pagkakaloob ng mga bagong prankisa, kailangang ayusin nalang muna ang mga lumang prankisa na una nang naipagkaloob.
“Dati Uber lang tapos naging Grab ngayon may isa naman kaming nabalitaan na bubuksan na aplikasyon, instead na ang ayusin niya ay ang mga prangkisa ng mga PUJ’s o mga taxi, bakit nagdadagdag pa?.” Pahayag ni Maranan.
Inalmahan din ni Maranan ang panggigipit ng LTFRB sa mga operator ng pampasaherong jeep, na palaging sinasabihan na magbaba ng pasahe, gayung halos wala na silang maiuwing kita, sa kanilang mga pamilya.
“Wala nang ginawa kung hindi tignan kung ano ang gusto nila, at hindi ang para kapakanan ng mahihirap na tsuper at operator, puro pinapatay na kami sa kadahilanang huwag nang ibaba ang pamasahe ay magmo-modernize na lang kami at inaayos na nga namin.” Dagdag ni Maranan.
Rollback sa pasahe, malabo na
Samantala, malabo nang maibalik sa P7.00 ang minimum na pasahe sa jeep.
Sinabi ni FEJODAP President Zeny Maranan, na ito ay dahil lalong mahihirapan ang kanilang mga drayber na makaagapay sa buhay, lalo na at mahal na ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Iginiit ni Maranan na posible nilang ikunsidera ang rollback sa pasahe, kung bababa din ang halaga ng mga bilihin sa mga pamilihan.
“Kung titignan mo ang binibili nating pagkain, ang sayote nung araw isang tumpok P10 that was P7 ang pamasahe, ngayon 2015 ang presyo ng isang sayote ngayon ay P10 isang piraso ha, kaya bang ibalik n gating mga nagtitinda ang presyo din ng kanilang paninda?” Giit ni Maranan.
By Katrina Valle | Ratsada Balita