Maaari umanong maharap sa impeachment complaint si COMELEC Commissioner Aimee Ferolino dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay sa Disqualification Case laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos.
Ito ang babala ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon nang tanungin hinggil sa posibilidad na maharap siya sa defamation charges sa kanyang naging akusasyon laban kay Ferolino.
Nanindigan si Guanzon na hindi siya natitinag sa bantang libel o anumang kaso bagkus ang kapwa niya poll body official pa anya ang dapat matakot sa kanya dahil maaari niya itong sampahan ng impeachment complaint.
Isinisisi ni Guanzon ang pagkaantala sa desisyon sa Disqualification Case ni Marcos, sa isang hindi pa pina-pangalanang senador na inimpluwensyahan umano si Ferolino upang ipitin ang pagresolba sa petisyong nakabinbin sa COMELEC First Division.
Wala pang anumang komento si Ferolino sa mga binitawang pahayag ni Guanzon, na nakatakda namang magretiro ngayong araw kasabay nina Chairman Sheriff Abas at Commissioner Antonio Kho.