Mamamahagi ang Department of Agriculture (DA) ng fertilizer voucher sa mahihirap na magsasaka para mapalakas ang produksyon ng bigas sa buong bansa.
Alinsunod ito sa nilagdaan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na Memorandum Order 65 series of 2022 na nag-amyenda sa implementing guidelines ng fertilizer discount voucher project ng National Rice Program.
Sa nasabing programa, makabibili ang mga eligible beneficiaries ng urea fertilizer upang mapalakas ang produksyon ng palay at mapatatag ang supply ng pagkain.
Kabilang sa kwalipikadong benepisyaryo ang mga magsasakang nakarehistro sa registry system for basic sectors in agriculture; farmers and fisherfolk registry system at ang mga magtatanim sa 2022-2023 dry cropping season. —sa panulat ni Jenn Patrolla