Balik-bansa na si Pambansang Kamao at Senador Manny Pacquiao matapos ang matagumpay nitong laban kay Jessie Vargas.
Pasado alas-4:00 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ang eroplanong sinakyan ni Pacman kasama si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Pacquiao, walang pagsidlan ang tuwa at pagpapasalamat niya sa sambayanang Pilipino na nanalangin at nagbigay ng suporta para sa kanyang tagumpay.
Pinasalamatan din ng Pinoy ring icon ang Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay aniya ng encouragement sa kanya bago ang kanilang laban ni Vargas kung saan nasungkit niya ang WBO welterweight belt.
Bahagi ng pahayag ni Fighting Senator Manny Pacquiao
Back to work
Balik na rin kaagad sa kanyang trabaho si Senador Manny Pacquiao matapos dumating kaninang madaling araw mula sa Amerika.
Ayon kay Pacman, excited na siyang pumasok sa kaniyang opisina dahil marami pa aniya siyang dapat asikasuhin.
Sinabi ni Pacman na uuwi siya ng Gen San kapag natapos na niya ang kanyang trabaho sa Senado.
Inihayag ni Pacman na kabilang sa tututukan ng Senado ang intensyong muling buksan ang imbestigasyon sa extrajudicial killings matapos mapatay sa kanyang selda si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.
Bukod dito, ipinabatid ng Pambansang Kamao ang imbestigasyon din hinggil sa foreign donations para sa rehabilitation efforts sa mga lugar na labis na naapektuhan ng super typhoon Yolanda.
Nagpasalamat naman si Pacquiao sa mga kapwa senador sa resolusyong parangalan siya matapos ang laban kontra Jessie Vargas.
Kapwa na naghain ng resolusyon sina Senador Vicente Sotto III at Cynthia Villar para kilalanin ang panibagong tagumpay ng Pambansang Kamao.
By Jelbert Perdez | Jopel Pelenio (Patrol 17) | Judith Larino
Photo Credit: @mannypacquiao/ Twitter