Himas rehas sa susunod na 17 at kalahating taon sa California State Prison, ang dating Fil Am actor at decathlete na si David Bunevacz dahil sa kasong wire fraud at securities fraud.
Bukod dito, si Bunevacz ay pinagbabayad ni US district judge Dale Fischer ng mahigit 35 million dollars bilang restitution matapos i-scam ang mahigit 100 investor sa kanyang mga kumpanya.
Batay sa court documents, ang 53-anyos na si Bunevacz ay nakalikom ng mahigit 45 million dollars mula sa kanyang investors sa kanyang mga kumpanya tulad ng CB Holdings Group Corporation at Caesarbrutus LLC kung saan nagbebenta ang investors ng vape pens na may cannabis products tulad ng CBD oil at THC.
Sinasabing ginamit ni Bunevacz ang malaking porsyento ng nasabing halaga para suportahan ang magarbong pamumuhay tulad nang pagbili ng luxurious na bahay sa Calabasas, California, mamahaling bags, kabayo, pag-biyahe sa Las Vegas at maging paggastos sa maluhong party ng kanyang anak.
Ayon kay Fischer, hindi itinigil ni Bunevacz ang kanyang scheme kahit pa under probation para sa state court conviction.
Ang dating Fil Am actor ay naaresto nuong April 5 at nakipag kasundo sa Korte noong July 2022 matapos maghain ng guilty plea sa tig-isang count ng securities at wire fraud na kapwa may statutory maximum penalty ng 20 taong pagkakakulong.
Tila nakuha umano ni Bunevacz sa matatamis niyang salita ang mga investor tulad nang pagmamalaki sa Chinese manufacturer ng disposable vape pens at may nakukuha rin siyang raw pesticide free oil na pinadala sa isang laboratory na siyang naglagay ng flowers.