Matapos ang pagdaan sa mala-butas na karayom na proseso ng National Basketball Association o NBA ng Estados Unidos makapag-lalaro na sa wakas para sa Pilipinas si Cleveland Cavaliers guard Jordan Clarkson sa 2018 Asian Games.
Kinumpirma mismo ng Fil-American player na binigyan na siya ng go signal ng management ng NBA upang makapaglaro para sa national team na Gilas.
Sa kanyang post, sinabi ni Clarkson na masaya siya at nagpapasalamat sa mga taong naging dahilan para matuloy ang kanyang paglalaro sa Philippine basketball team.
Kasabay nito, ipinost din ni Clarkson ang larawan ng jersey na kanyang gagamitin para sa Asian Games.
Unang makakasagupa ng Gilas sa Jakarta, Indonesia bukas sa group D ang Kazakhstan.
—-