Inaasahang magsisimula na ngayong araw na ito ang pagpa file ng mga panukala ng mga senador at kongresista.
Kasunod na rin ito nang itinakdang pagbubukas ng 18th Congress sa July 22.
Asahan na umanong bago pa man magbukas ang bills and index offices ng Senado at Kamara ay naka pila na ang staff ng mga mambabatas para matiyak na ang mga ito ang mauunang maghain ng panukala.
Gayunman, sa Senado, ang Senate President at bahagi ng liderato ng mataas na kapulungan ang mauuna sa pagpa file ng kani kanilang bills.
Susunod sa kanila ang mga nagbabalik na senador bago ang mga senador na nahalal noong 2013, mga nanalo noong 2016 at mga baguhang senador ang huling maghahain ng kanilang panukala.
Sinabi ni Senador Sonny Angara na ang pagpa file ng bills ay magbibigay sa Pangulong Rodrigo Duterte ng mga panukalang maaari nitong suportahan at hilingin sa Kongreso na kaagad ipasa sa isasagawa niyang SONA o State of the Nation Address sa July 22.