Ibinalik na sa 60 days ang pagsusumite ng benefit claims ng mga accredited healthcare facilities sa PhilHealth simula Enero 1, 2023.
Ayon sa ipinalabas na PhilHealth Advisory 2023-0012, nagtapos na ang mas mahabang filing period na 120 days kaalinsabay ng pagtatapos ng State of Calamity sa bansa dahil sa COVID-19 noong Disyembre 31, 2022.
Maliban sa 60-day filing period, ipinatutupad na rin ng ahensya ang polisiya nito sa 45-day limit kada taon at single period of confinement simula ngayong 2023.
Kaugnay nito, nanawagan si PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. sa lahat ng partner facilities na siguruhing naisusumite ang kanilang claim sa takdang panahon para maiwasan ang pagka-deny sa mga ito. “Mahalaga rin na maayos ang isinusumiteng claims ng ating mga partner accredited facilities para mabayaran ang mga ito alinsunod sa mga batas at regulasyong sinusunod ng PhilHealth bilang ahensya ng gobyerno,” wika nito.
Hinimok din ni Ledesma ang mga ospital na makipag-ugnayan sa PhilHealth Regional Offices para ipagpatuloy ang pag-reconcile ng claims data at para sa iba pang tulong na maaari nilang kailanganin upang mapagsilbihan ang mga miyembro ng PhilHealth at kanilang mga pamilya.
Noong 2022, ang pangunahing dahilan ng denied claims ay pagkaantala sa pagsusumite sa itinakdang filing period. “Patataasin po namin ang kaalaman ng mga providers at ng kanilang billing personnel patungkol sa ating mga polisiya para maiwasan na ang mga denied at depektibong claims” dagdag pa ni Ledesma.