Nitong December 21, 2023, maraming netizens ang na-excite at shinare agad ng screenshot umano ng Proclamation No. 427. Sa naturang post, nakalagay na idineklara ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang December 22 bilang special half-working day.
Agad naman itong pinabulaanan ng Presidential Communications Office (PCO). Bagamat totoong may nilagdaang Proclamation No. 427 kamakailan, fake news o hindi totoo na magkakaroon ng special half-working day.
Sa ginanap na Ani ng Dangal awarding ceremony sa Malacañang noong February 22, 2023, matatandaang hinimok ni Pangulong Marcos ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na suportahan ang Filipino artists na nagbibigay ng malaking ambag sa pag-unlad ng sining at kultura ng bansa.
Bilang tugon sa rekomendasyon ng NCCA at pagtupad sa Republic Act No. 7355 o Manlilikha ng Bayan Act, inilabas ni Pangulong Marcos ang Proclamation No. 427 noong December 15, 2023. Dito, idineklara ng Pangulo ang nine Filipino artists bilang “Manlilikha ng Bayan.” Pagkilala ito sa kanilang kahusayan sa traditional folk arts na umaabot na sa mataas na antas ng technical and artistic excellence.
Sa proklamasyon na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kabilang sa siyam na Manlilikha ng Bayan si Adelita Romualdo Bagcal mula sa Banna, Ilocos Norte na nangangalaga sa Ilocano oral traditions.
Itinagurian naman bilang Sama master of traditional dance si Sakinur-ain Mugong Delasas mula sa Bongao, Tawi-Tawi. Samantala, sa pagtataguyod ng tradisyong T’boli temwel o brasscasting kinilala si Bundos Bansil Fara.
Pasok din sa listahan ang traditional weavers na sina Marife Ravidas Ganahon mula sa Malaybalay, Bukidnon; Samporonia Pagsac Madanlo mula sa Caraga, Davao Oriental; at Barbara Kibed Ofong mula sa Lake Sebu, South Cotabato. Mula rin sa Lake Sebu si Rosie Godwino Sula, isang T’boli chanter.
Kasama rin ang traditional embroiderers na sina Abina Tawide Coguit ng La Paz, Agusan del Sur at Amparo Balansi Mabanag mula Paracelis, Mountain Province na kinilala bilang mga Manlilikha ng Bayan.
Nagbibigay-kulay sa mayamang kultura ng Pilipinas ang traditional folk arts. Sa pagpapahalaga sa ating tradisyon at sa mga taong patuloy na nagtataguyod rito, nananatiling buhay ang ating pagka-Pilipino.
Pangako ni Pangulong Marcos, kaisa ang administrasyon sa pagsusulong at pagpapayaman sa sining at kultura ng bansa. Sabi nga niya, “Nagtitiwala ako na kung pauunlarin natin ang industriyang ito, higit tayong makatutulong sa paglago ng ating ekonomiya, at maiangat ang Pilipino saan mang dako ng daigdig.”