80% na ng mga nakasalamuha ng Filipino-Australian na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang natunton na ng mga awtoridad sa Pangasinan.
Ayon kay Dr. Anna De Guzman, Health Officer ng lalawigan, lahat ng mga na-trace na nilang nagkaroon ng contact sa nabanggit na Filipino-Australian ay nananatiling walang sintomas ng COVID-19.
Dagdag ni De Guzman, posible rin aniyang negatibo pa sa virus ang babaeng Filipino-Australian nang magtungo ng pangasinan at nakuha lamang ang infection sa Manila bago bumalik ng Australia.
Binigyang diin naman ni Lingayen Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho na nananatiling COVID-19 free ang buong lalawigan ng pangasinan bagama’t hindi pa rin aniya maiiwasan ang takot at panic ng mga tao.
Samantala, hinihintay pa ng lokal na pamahalaan ng lingayen ang resulta ng isinagawang test sa dalawang Overseas Filipino Workers (OFW) at isang balikbayan na kasalukuyang naka-admit sa hindi tinukoy na ospital matapos makitaan ng mga sintomas.