Natagpuan na ang Filipino inmate na naunang napaulat na nawawala kasunod ng pagtama ng malakas na lindol at tsunami sa Palu City, Indonesia.
Ayon kay Consul General Oscar Orcine, natagpuan sa tahanan ng kanyang kaibigan ang nabanggit na Filipino kung saan ito nanuluyan simula nang maganap ang malakas na lindol at tsunami sa Central Sulawesi noong Setyembre 28.
Nakakuha aniya ito ng permiso mula sa warden ng Lapas Penitentiary para pansamantalang manatili sa tahanan ng kaibigan matapos mawasak ang nabanggit na piitan.
Dagdag pa ni Orcine, nasa maayos na kalagayan ang nabanggit na Filipino inmate maliban sa naranasang sobrang pagod at kakulangan ng tulog dahil sa sakuna.
Ang nabanggit na Filipino inmate ay mula sa Sulu at 14 na taon nang nakakulong sa Lapas Penitentiary sa Palu, Indonesia dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
—-