Matinding sagupaan ang naganap sa main battle area sa Marawi City.
Sa gitna na rin ito nang tinaguriang ‘final push’ ng militar para tuluyang gipitin ang Maute group.
Isang malakas na pagsabog ang narinig malapit sa Lanao Lake matapos magtangka ang mga otoridad na walisin ang natitirang puwersa ng Maute, Abu Sayyaf at ISIS sa mga gusali kabilang ang apat na palapag na gusali ng CMD Center Point Mall.
Napuwersa ng militar ang mga terorista kabilang ang kanilang snipers na lumabas ng mga gusali at tangkaing mabawasan ang hawak na teritoryo ng Maute sa pagpasok ng ika-112 araw ng sagupaan sa Marawi City.
Tiniyak ng militar na ginagawa nila ang lahat para matimbog ang mga terorista na gumagamit umano ng mga tunnel para makalabas ng Marawi.