Patuloy ang isinasagawang final testing and sealing o FTS ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga gagamiting vote counting machines o VCM.
Ito’y bahagi ng paghahanda sa overseas absentee voting na magsisimula na sa susunod na Sabado o sa April 9.
Ang FTS ay ang huling proseso ng COMELEC upang suriin o i-check kung kumpleto at mabilis ba ang takbo ng VCM.
Sa madaling sabi ayon sa COMELEC, sa prosesong ito ay susubukan mismo ng ahensya ang VCM upang matiyak ang seguridad nito bago pa ang mismong eleksyon.
At ngayong araw nga ay isinasagawa ng FTS sa mga VCM sa embahada ng Pilipinas sa Kuwait para sa mga botanteng OFW roon.
Habang sa Linggo naman o sa April 3 ay naka-schedule ang final testing and sealing ng mga Vcm sa konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, Saudi Arabia at sa Philippine Embassy sa Singapore.
Sa susunod na linggo naman o sa April 8 ang FTS schedule sa PHL Consulate sa Hong Kong at Riyadh.
Bago ito, nauna nang sinuri ang mga VCM sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba pang mga bansa.
Sa naturang final testing at sealing ng VCM, imbitado ng COMELEC ang lahat ng political parties at mga organisasyong kakatawan sa kanilang kandidato.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco