Kasado na sa Mayo 6 hanggang Mayo 10 ang final testing at pagselyo sa mga VCM o Vote Counting Machines na gagamitin sa eleksyon sa Mayo 13.
Ayon kay COMELEC Director Teopisto Elnas Jr, nasa kanilang warehouses na sa mga rehiyon at probinsya ang mga VCMs.
Ang mga VCMs ay nakasaksak sa kuryente kapag ginamit na sa pagbibilang ng boto subalit mayroon itong back up battery na tatagal ng labing anim na oras sakaling magkaroon ng brownout.
Samantala, batay sa timeline ng COMELEC, dapat ay nasa custody na ng city at municipal officers ang mga balota sa Mayo 4.
Umabot sa 63 milyong balota ang inimprenta ng COMELEC para sa 61 rehistradong botante, para sa testing at pag educate sa mga botante.
Binawasan ng Commission on Elections ang gagamiting VCM o Vote Counting Machine sa eleksyon sa Mayo 13 kumpara sa bilang ng ginamit noong May 2016 elections.
Ayon sa COMELEC, 85,000 VCM ang kanilang gagamitin sa Mayo 13 na mas mababa sa 92,000 na ginamit noong 2016.
Ipinaliwanag ni COMELEC Director Teopisto Elnas Jr na dahil sa pagdami ng rehistradong botante, ginawa na nilang 1,000 mula sa dating 800 ang bilang ng botante na pwedeng bumoto sa isang clustered precint.
Maliban sa 85,000 VCMs, mayroon ring 7,000 VCM ang nasa standby sakaling magkaroon ng aberya.