Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Loren Legarda na mapagkakalooban ng suportang pinansyal ang mga naulilang pamilya ng mga sundalo’t pulis na nakipagbakbakan laban sa Maute – ISIS Group sa Marawi City.
Ito ang inihayag ni Legarda kasabay ng pagbibigay papuri sa mga sundalo’t pulis na matapang na nakipaglaban sa mga terorista para tuluyang makalaya ang Marawi City.
Ayon kay Legarda, alinsunod sa itinakda ng batas, makatatanggap ng financial assistance sa loob ng susunod na anim na buwan ang pamilya ng mga nasawi at nabaldadong mga sundalo at pulis.
Dagdag ni Legarda, prayoridad din sa bibigyan ng mga trabaho sa gobyerno ang mga asawa at anak ng mga nasabing sundalo’t pulis, at bibigyan din ng scholarship hanggang kolehiyo ang mga anak ng mga ito na nag-aaral.
Titingnan din ni Legarda ang posibilidad na mabigyan ng financial assistance ang lahat ng mga sundalo’t pulis na nakipagbakbabakan at nakaligtas sa Marawi City.