Nanganganib na matulad sa Finland ang Pilipinas kung hindi ipaglalaban ng Duterte administration ang Panatag o Scarborough Shoal laban sa China.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, mararanasan ng Pilipinas ang “Finlandization” o isang bansang malaya subalit nakayukod at sumusunod lamang sa foreign policy ng ibang bansa.
Ang salitang Finlandization ay nabuo noong panahong sinakop ng Russia ang Finland na bagamat binigyan nila ng kalayaan ay nananatiling taga-sunod naman sa kanilang mga panlabas na panuntunan o foreign policy.
Binigyang diin ni Carpio na malaki ang posibilidad na magtayo ng mga pasilidad ang China sa Panatag Shoal kayat mahalagang igiit ngayon ng Duterte administration ang napanalunan ng bansa sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong nakaraang taon.
Nagbabala si Carpio na hindi na mababawi pa uli ng Pilipinas ang Panatag Shoal mula sa China sa sandaling matayuan nila ito ng mga istraktura.
Lalabas anya na bagamat isang malayang bansa ang Pilipinas, magiging taga-sunod naman ito sa foreign policy ng China.
By Len Aguirre
‘Finlandization’ posibleng mangyari sa Pilipinas was last modified: June 6th, 2017 by DWIZ 882