Inirerekomenda ng Regional Peace and Order Council – National Capital Region ang pag-ban sa paggamit ng paputok sa buong Metro Manila ngayong panahon ng holiday.
Binubuo ang council ng Metro Manila Mayors at iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Department of Health (DOH) NCR – Health Promotion and Media Relation Unit Head Dr. Laila Celino, ipinalabas ang resolusyon na naglalaman ng naturang rekomandasyon noong nakarang Huwebes.
Ani Celino, nilikha ang resolusyon bunsod na rin ng pagtaas sa mga insidenteng may kaugnayan sa paputok noong 2019 at nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Aniya, hindi kasi maiiwasang magkaroon ng mass gathering dahil kakailanganing lumabas ng kalsada ang mga magpapaputok.
Sinabi ni Celino, inaasahang pagtitibayin ng mga local government units sa Metro Manila ang naturang resolusyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kanya-kanyang ordinansa.