Pagsasayang lamang umano ng panahon kung aaksyunan ng Presidential Electoral Tribunal ang first cause of action na inilatag ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos sa kanyang inihaing electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang ipinaliwanag ng Presidential Electoral Tribunal kaya’t ibinasura nila ang First Cause of Action ng kampo ni Marcos na tumutukoy sa kanyang hiling na ipawalang bisa ang proklamasyon ni Robredo bilang nanalong Bise Presidente noong May 2016 elections dahil hindi umano authentic ang certificates of canvass na pinagbatayan ng proklamasyon ni Robredo.
Sa 34 na pahinang resolusyon, tinukoy ng PET na walang saysay para pagbigyan ang First Cause of Action ni Marcos, sa ngalan ng judicial economy at mabilis na pagpapasya sa kaso.
Paglilinaw pa ng PET, tuloy pa rin ang pag-usad ng electoral protest ni Marcos dahil may nalalabi pa itong second at third causes of action.
Ang second cause of action ay tumutukoy sa recount ng mga balota, pagsusuri sa voters receipt, election returns at iba pang election documents habang ang third cause of action ay tumutukoy sa hiling ng kampo ni Marcos na mapawalang bisa ang resulta ng halalan para sa pagka-pangalawang Pangulo sa mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan.
Ito’y dahil sa nagaganap terorismo, panggigpit sa mga botante at pre-shading of ballot sa mahigit 2600 clustered precincts sa mga nabanggit na lugar.
By: Drew Nacino / Bert Mozo
SMW: RPE