Tinanggal na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ipinatupad na tatlong buwang fishing ban ng galunggong sa hilagang silangang bahagi ng Palawan.
Batay sa ipinalabas na ulat ng National Stock Assessment Program sa region 4-B ng BFAR, patuloy nagpapakita ng positibong resulta sa produksyon ng galunggong ang pagpapatupad ng ban sa naturang lugar.
Dahil dito, sinabi ni DA-BFAR National Director Eduardo Gongona na patuloy pa rin ang implementasyon ng taunang pagbabawal sa pangingisda ng galunggong sa ilang bahagi ng karagatan sa Pilipinas.
Layunin ng fishing ban ang maprotektahan at mabigyan ng panahon ang galunggong na magparami lalo tuwing Nobyembre hanggang Enero na panahon ng pangigitlog ng mga ito.