Inihirit sa korte ng mga commercial deep-sea fishing companies na i-cite for contempt ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) at National Telecommunications Commission (NTC) dulot ng umano’y pagsuway sa kautusan ng hukuman na nagpapawalang-bisa at nagpapatigil sa implementasyon ng Fisheries Administrative Order (FAO 266) na labag sa Saligang Batas, sang-ayon sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court (RTC) ng Malabon City.
Sa kanilang petisyon, iginiit ng mga fishing companies sa RTC na nagbanta ang national director ng BFAR na mag-iisyu ito ng notice of violation at inirekomendang huwag silang bigyan ng mga lisensya at iba pang dokumento na kailangan sa kanilang operasyon.
Sinabi nila sa RTC na ang ginawang pagbabanta ng BFAR ay magdudulot sa kanila ng “grave and irreparable injury” at iba pang mga paglabag sa kanilang “constitutional rights to due process”.
Ang FAO 266 ay nag-aatas sa mga kompanya na magpakabit ng VMS-100 transreceivers sa kanilang mga barko kung saan sila ay nata-track sa kanilang mga operasyon sa ‘domestic waters’, ‘high seas’ pati na rin sa ‘distant waters’.
Ayon sa BFAR, layon ng nasabing administrative order na mapaigting ang kampanya laban sa illegal at unregulated fishing.
Dumepensa naman ang mga fishing companies sa pagsasabing ang implementasyon ng nasabing vessel monitoring measures at electronic reporting system ay magdudulot ng mga paglabag sa kanilang “constitutional rights to privacy” at “unlawful searches.”
Dagdag pa ng mga ito, ang VMS ay katulad ng global positioning system o GPS device kung kaya’t maibubunyag nito ang mga sensitibong impormasyon tungkol sa mga fishing grounds ng mga kompanya na kanilang inaral at pinagkadalubhaasan sa loob ng maraming taon. Dahil dito, namemeligrong mabunyag at kumalat ang kanilang mga trade secrets kagaya sa fishing grounds at napakalaki ng kanilang ikalulugi at masisira rin ang kanilang mga operasyon.
Lumapit naman sa Office of the Solicitor General ang BFAR at NTC upang mapawalang-bisa sa Korte Suprema ang order ng RTC.
Sa kasalukuyan ay wala pang desisyong ibinababa ang Supreme Court kung kaya’t epektibo pa rin ang permanent injunction order ng RTC ukol sa FAO 266 kung saan ipinawalang-bisa nito ang kautusan at idineklarang null and void dahil ito ay labag sa Saligang Batas.
“Despite the permanent injunction and the lack of a suspending, modifying, or staying order coming from the trial court or the Supreme Court, respondent Eduardo B. Gongona sent petitioners substantially similar letters dated June 21, 2021 threatening sanctions in the event that the petitioners fail to comply with the respondent’s directive therein,” wika ng mga fishing firms sa kanilang petisyon.
Kasabay nito, muli nilang inihirit sa korte na mag-isyu ng writ of preliminary injunctions laban sa BFAR, NTC at sa kanilang mga tauhan at atasan silang sumunod sa June 1, 2021 ruling ng RTC dahil hindi pa naman ito isinasantabi ng Kataas-taasang Hukuman.