Nakatulong ng malaki sa pagbuti ng internet service sa bansa ang roll-out ng mga telco infrastructure dahil sa mas pinabilis na pagpapalabas ng LGU permits para sa pagtatayo ng mga tower.
Batay sa Ookla Speedtest Global Index, ang internet average download speed ng Pilipinas ay lalo pang bumilis. Ang fixed broadband speed ay nakapagtala ay umabot sa 58.73Mbps noong May 2021 kumpara sa 49.31Mbps noong Abri.
Ayon sa Ookla, nagpapakita ito ng 19.10 percent na monthly improvement sa download speed para sa fixed broadband at 642.50% na improvement mula nang magsimula ang Duterte administration noong 2016.
Ang pagbuti ng fixed broadband speed sa bansa ay bunsod ng pagpapabuti ng mga telco sa kanilang fiber optic network kung saan umabot na sa 846,323 cable-kilometers ang nailatag sa buong bansa.
Ang Smart ang mayroong pinakamahabang nailatag na fiber optic na umabot sa 497,700 cable-kilometers, kasunod ng Converge – 260,030 cable-kilometers, Globe – 72,573 cable-kilometers at DITO – 16,020 cable-kilometers.
Noong 2019, umabot sa 384,341 cable-kilometers ng fiber network ang nailatag sa buong bansa, habang noong 2020, tumaas ito sa kabuuang 726,705 cable-kilometers o katumbas ng 89% increase.
Hanggang noong nakaraang Abril, mayroon nang 846,323 cable-kilometers ng fiber optic ang nailatag sa bansa na katumbas ng 16.5% na pagtaas kumpara sa 726,705 cable-kilometers lamang noong 2020.
Ayon pa sa Ookla, bumuti din ang mobile speed noong Mayo dahil umabot sa 31.97Mbps ang naitalang download speed kumpara sa 29.12Mbps noong Abril.