Iginiit ni Labor Secretary Silvestre Bello III na napapanahon na ang pagpapatupad ng fixed rate at performance based incentives salary system sa lahat ng mga driver at konduktor ng bus.
Ayon kay Bello, matagal nang ipinalabas ang kautusan hinggil sa nasabing sistema ng pasweldo sa mga bus drivers at konduktor.
Gayunman kinuwestiyon aniya ito ng mga grupo ng bus operators sa Korte Suprema at ngayon lamang nagkaroon ng pinal na desisyon.
Binigyang diin pa ni Bello, makakatulong ang pagkakaroon ng fix na sahod ng mga driver at konduktor ng bus para makaiwas sa mga aksidente ang mga ito.
“Nagkakaroon tayo ng madalas na aksidente dahil sa kanaisan ng mga drivers na gumanda ang kita. Nabibilisan nila yung takbo nila pulot nang pulot ng mga pasahero kahit sobra-sobra na, kaya ito they will be on salary basis like any other employees.” Pahayag ni Sec. Bello.
Kasabay nito, binalaan ni Bello ang mga bus operators na lalabag sa nasabing direktiba.
“May penalties sila sa amin pero ang mas mabigat diyan yung aksyon ng LTFRB. Kasi ang LTFRB nag-implement niyan pag hindi sila sumunod eh di makaka-cancel o masusupinde ang prangkisa nila.” Ani Sec. Bello.
interview from Ratsada Balita
Fixed rate salary at performance based incentives ng bus drivers at konduktor matagal nang ipinatutupad — PBOAP
Nilinaw ni PBOAP o Provincial Bus Operators Association of the Philippines Executive Director Alex Yague na matagal na nilang ipinatutupad ang fixed rate salary at performance based incentives para sa mga driver at konduktor ng bus.
Ayon kay Yague, kabilang aniya ito sa mga hinihinging requirements para sa extension ng franchise validity ng mga bus operators.
Binigyang diin ni Yague, taong 2012 pa nang ipalabas ng Department of Labor and Employement ang Department Order 118-12 na naglalaman ng panuntunan sa pag-compute sa fixed and performance based salary sa mga bus drivers at konduktor.
Alinsunod aniya ito sa memorandum circular ng LTFRB na nag-aatas naman sa mga bus operators na gawing fix ang sahod ng kanilang mga drivers at konduktor.
Gayunman, kanilang kinuwestiyon sa Korte Suprema ang kautusan dahil hindi aniya dumaan sa public consultation ang ginawang guidelines ng national wages and productivity commission para dito.
Paliwanag ni Yague, ang inanunsyo ng NWPC ay ang revised guidelines para sa pagpapatupad ng fixed rate at performance based incentive salary sa mga driver at konduktor ng bus alinsunod sa pinal na desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng mga bus operators noong nakaraang taon.
“Noong 2012 pa po ‘yan, iniimplement na po ‘yan kasi pag nag-apply po kayo ng extension validity ng inyong prangkisa kailangan po mag-submit rin po kayo ng DOLE clearance na kayo ay nag-iimplement na po niyan bago maeextennd ang inyong prangkisa.” Pahayag ni Yague.
Interview from Ratsada Balita