Pinaiimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang ikinasang pagtitipon-tipon ng isang grupo.
Kaugnay ito ng tinatawag na “flatten the fear” event ng isang grupo na nananawagan ng pagpapatigil sa mga ipinatutupad na community quarantine sa buong bansa.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, inatasan niya ang PNP-CIDG na masusing imbestigahan ang mga posibleng naging paglabag ng grupo alinsunod na rin sa kahilingan ng Department of Health (DOH).
Ani Año, maaaring gusto lamang ng grupo na makatulong sa pamahalaan para tuluyan nang masugpo ang pandemiya.
Gayunman, lubhang mapanganib aniya hindi lamang sa mga miyembro ng grupo kundi maging sa kanilang pamilya ang isinagawa nilang mass gathering kung saan hindi nagsuot ng face mask ang mga dumalo.
Una rito, iginiit ng mga miyembro ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines na hindi nila kailangang magsuot ng face masks dahil uminom na umano sila ng prophylaxis at iba pang preventive treatment kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).