Bida ngayong linggo ang mga lolo’t lola dahil ipinagdiriwang ngayon ang Linggo ng Katandaang Pilipino (Elderly Filipino Week) mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 7.
Ito’y matapos iproklama ni dating pangulong Fidel Ramos (Proclamation No. 470) noong 1994 ang unang linggo ng Oktubre bilang linggo ng mga nakatatanda.
Sa pamamagitan ng nasabing taunang pagdiriwang, natutugunan ng pamahaalan, maging ng mga Local Governmment Units (LGU), ang ilang mga pangunahing pangangailangan ng mga matatanda.
Pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Elderly Filipino Week na syang nagsasagawa ng mga programa tulad ng pagbibigay ng mga libreng maintenance medecines para sa mga matatandang mayroong iba’t ibang uri ng karamdaman gaya ng diabetes at hypertension.
Bukod sa tulong pang-kalusugan, iba’t ibang ahensya at institutsyon rin ang nag-alok ng libreng sakay at libreng panonood sa sinehan.
Una nang nag-anunsyo ang Department of Transportation (DOTr) na walang bayad ang mga senior citizens sa MRT-3 mula Oktubre 1 at Oktubre 7.
Samantala, libre din ang mga matatanda ngayong linggo sa mga sinehan ng ilang piling branches ng SM Cinema.
Maliban sa mga nabanggit ay may mga batas na rin sa bansa na nagbibigay ng karapatan sa mga senior citizens na mabigyan ng mga benepisyo tulad ng:
- 20% discount sa medisina, transportasyon, entertainment facilities, recreation centers, at funeral services;
- 5% discount sa buwanang bill ng tubig at kuryente (kung nakapangalan sa senior citizen ang linya);
- individual income tax exemption (kung minimum wage earners);
- libreng training fees sa mga socio-economic programs ng DTI, DOLE, DA, TESDA at DOST-TRC;
- libreng medical at dental services;
- libreng bakuna;
- monthly social pension;
- mandatory PhilHealth coverage;
- GSIS, SSS, at PAG-IBIG benefits;
- social safety assistance;
- express lanes sa mga establishment; at
- educational privileges.
Layon ng Elderly Filipino Week na mabigyang-pansin at halaga ang mga matatandang may edad 60 pataas na syang labis na nag-ambag sa paglago ng mamamayan at maging sa lipunan.