Inaprubahan na ng punong ehekutibo ang pansamantalang pagsuspinde o pagpapatigil ng lahat ng biyahe na galing sa United Kingdom (UK).
Ayon sa Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang naturang hakbang ay kasabay ng natuklasang bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa naturang bansa.
Mababatid na magiging epektibo ang kautusan simula 12:01 a.m. ng ika-24 ng Disyembre at magtatagal hanggang sa ika-31, 2020.
Paliwanag ni Roque, ang mga biyaherong nanggaling sa UK sa loob ng 14-araw na planong pumunta ng Pilipinas ay pansamantalang hihigpitang makapasok ng bansa; habang ang mga biyaherong nasa biyahe na at darating bago sumapit ang 12:01 a.m. ng ika-24 ng Disyembre ay isasailalim naman sa 14-day quarantine sa New Clark City sa Pampanga at itetest sa COVID-19, bago tuluyang payagang makapasok ng Pilipinas.
Kung ang biyahero naman na mula sa Pilipinas at gustong bumiyahe papuntang UK, kinakailangan nitong dumaan sa ‘existing exit protocols’ ng dalawang bansa.
Kasunod nito, ang mga flights mula Europa ang ida-divert naman sa Clark International Airport.