Inihayag ng dalawang malalaking airlines sa Japan na ida-divert nila ang ilan sa kanilang flights na patungong Maynila ngayong buwan.
Ito’y bunsod ng nakaambang paglulunsad ng North Korea o NoKor ng rocket na may kargang satellite.
Ayon sa All Nippon Airways (ANA) at Japan Airlines o JAL, isasagawa ito sa pagitan ng Pebrero 8 at 25 dahil inaasahang babagsak sa mga karagatang sakop ng Pilipinas ang mga parte ng missile at debris pagkatapos ng rocket launch.
Kabilang sa mga maaapektuhang flights ng All Nippon ay ang mula sa Haneda Airport sa Tokyo patungong Maynila; mula Maynila patungong Narita International Airport; at mula Jakarta sa Indonesia patungong Narita.
Tatamaan naman ang JAL flights tulad ng mula Jakarta patungong Narita at mula Narita patungong Maynila.
Hindi naman binanggit ng mga naturang airlines kung saan ida-divert ang mga apektadong flights.
Sinasabing asahan na rin ang pagkaantala ng mga biyahe ng mula lima hanggang sampung minuto.
By Jelbert Perdez