Bugbog-sarado ang isang radio broadcaster at block-time host matapos pagtulungan ng 4 na lalaki sa Iloilo City kahapon.
Paalis na sana ng DYRI RMN Iloilo Station si Florencio “Flo” Hervias matapos mag-host ng sarili nitong programa nang mangyari ang insidente.
Agad naman itong nakatakbo sa opisina upang makahingi ng tulong at mabilis na rumesponde ang disaster risk reduction and management office ng Iloilo City upang gamutin ang biktima.
Kinondena naman ng National Union of Journalists of the Philippines – Iloilo ang pag-atake at sinabing mas naging talamak ang karahasan laban sa mga media workers sa bansa.
Mababatid na noong Lunes ay pumutok ang balita hinggil sa napaslang na broadcaster na si Percival “Percy Lapid” mabasa sa Las Piñas City.
Nanawagan naman ang NUJP at si Iloilo Mayor Jerry Trenas sa PNP upang tugunan ang insidente at hanapin ang mga salarin.
Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa motibo ng pambubugbog sa blocktimer.
- sa panunulat ni Hannah Oledan