Pag-aaralan ng PNP Anti-Illegal Drugs Group ang pagsilip sa mga ahensya ng Gobyerno at Local Government Unit sa posibleng koneksyon ng mga ito sa barkong pagawaan ng shabu na natagpuan sa Subic, Zambales.
Ayon kay PNP AIDG Spokesman Supt. Enrico Rigor, bukod sa mga boss na Tsino, mayroon ding mga amo na Pilipino ang naarestong Apat na Tsino kaya nagagawa ng barkong makapasok sa bansa nang hindi naire-record ng Maritime Industry Authority o MARINA.
Aniya, fishing vessel ang rehistro ng barko, pero ‘ni isang isda ay walang nakita ang mga otoridad noong Lunes.
Hinihinalang kasabwat din ng mga Tsinong ito ang mga mangingisdang Pinoy na siyang lumalayag sa dagat at lumalapit sa barko para kumuha ng droga at ihatid sa pampang.
Idinagdag pa ni Rigor na posibleng mula sa malaking sindikato ng iligal na droga ang nahuli nilang Apat na dayuhan na hinihinalang chemist o tagapagluto pa ng shabu.
Sa ngayon, nasa pangangalaga ng coast guard ang barko na tinaguriang “floating shabu lab”.
Kaugnay dito,inaalam na ng PNP Anti-Illegal Drugs Group ang lawak ng operasyon ng floating shabu laboratory na nadiskubre sa karagatang sakop ng Subic, Zambales.
Ayon kay PNP Aidg Spokesman Supt. Enrico Rigor, napag-alaman na nakabiyahe na sa ilang lalawigan sa Hilagang Luzon ang nasabing barko tulad ng Pangasinan, Ilocos at Cagayan.
May posibilidad aniya na doon nanggagaling ang malaking porsyento ng iligal na droga na kumakalat sa Luzon.
Ayon pa kay Rigor, bagamat isang pakete lang ng shabu ang nakuha sa barko, hindi sila naniniwala na ito lang ang na-manufacture ng mga naarestong tsino lalo’t kasing laki ng fishing vessel ang barko at may hi-tech na hydrogenerator, Isang makina sa paggawa ng shabu
Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa apat na naarestong Chinese National.
By: Meann Tanbio