Nagpalabas ng flood advisory ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para bigyang babala ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga daanan ng tubig sa Bicol at Eastern Visayas.
Batay sa abiso, pinag-iingat ng NDRRMC ang mga residente laban sa posibilidad ng pagbaha habang papalapit na ang bagyong Tisoy na inaasahang magla-landfall sa Bicol bukas, Disyembre 2.
Partikular na pinaalalahanan ng ahensiya ang mga residente sa Labo at Daet Basud, Camarines Norte; Cabuyan, Bato, at Pajo sa Catanduanes; lower Kilbay, Catabangan, Ragay, Tinalmud, Tambang, at Lagonoy sa Camarines Sur.
Gayundin lower Dansol, Ogod, Putiao, Cadacan, Banuang-Duan, Fabrica, Matnog sa Sorsogon, Guinale at upper Donsol sa Albay.
Habang pinag-iingat din ng NDRRMC ang mga residente sa ilang lugar sa Eastern Visayas tulad ng Catarman, Bugko, Pambukhan, Catubig, Palapag, Maou, at Gamay sa Northern Samar; Basey, Silaga, Calbiga, at Jibatan sa Samar; Oras, Dolores, Ulot, Taft, Borongan, Suribao, Ilorento, Balangiga, at Sulat sa Eastern Samar.
Ayon sa NDRRMC, posibleng makaranas ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan na may pagkulog at pagkidlat ang mga nabanggit na lugar sa loob ng 12 oras.