Pinag-iingat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mahigit 500 barangay sa 14 na lungsod sa Metro Manila sa flood-prone o mabilis bahain kapag bumuhos na ang ulan dulot ng Bagyong ‘Tisoy’.
Tinukoy ng MMDA ang mga flood prone barangays, base na rin sa record ng Mines and Geosciences Bureau, na 215 sa lungsod ng Maynila, 17 sa Caloocan, 21 sa Las Piñas, 30 sa Makati City, 20 sa Mandaluyong, 14 sa Marikina City.
Bukod pa ito sa siyam na barangay sa Muntinlupa, 15 sa Parañaque, 121 sa Pasay City, 28 sa Pasig City, 10 sa Pateros, 62 sa Quezon City, isa sa San Juan at 16 sa Taguig.
Tiniyak ni MMDA General Manager Jojo Garcia na regular ang paglilinis nila sa mga lagusan ng tubig para hindi mabarahan ng basura ang mga drainage sa Metro Manila.
Gumagana na rin aniya ang lahat ng 61 pumping stations ng MMDA para sa flood control.
Pinaalalahanan ni Garcia ang publiko na maayos na itapon ang kanilang mga basura para hindi maging problema sa operasyon ng pumping stations.
Sinabi pa ni Garcia na mahigpit ang pakikipag-ugnayan nila sa local government units sakaling kailanganin ng mga ito ang kanilang ayuda.