Pinahuhugot ni Senador Panfilo Lacson sa congressional insertions na minarkahan ng Department of Budget and Management (DBM) na “for later release (FLR)” ang P20-bilyong dagdag na pambili ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasunod na rin ito pakikipag-usap ni Lacson sa tatlong COVID czar.
Magugunitang sa interpellation ni Lacson sa budget deliberation sa senado noong isang taon nabunyag na nakapaloob sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga bilyong pisong alokasyon sa ilang mga pinapaborang congressional districts.
Ibinunyag ni Lacson na isang distrito ang nakakuha ng P15.35-bilyon habang ang isa ay nasa P10.299-bilyon naman bukod sa ilan pa na nakakuha ng halos P8-bilyon at mahigit P7-bilyon.
Isiniwalat din ni Lacson ang malalaking halagang nailaan sa Department of Education, Department of Transportation at DPWH na hindi pa nagagamit at maaari ring pagkunan ng dagdag na pondo para sa bakuna laban sa COVID-19.