Kailangang magsagawa ng mass hiring ng health workers.
Panukala ito ng Filipino Nurses United (FNU) bilang paghahanda na rin ng mga ospital sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa banta ng Delta variant ng Coronavirus.
Binatikos ng FNU ang gobyerno na nagsabing handa na ito sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 na anito’y malayo sa katotohanan dahil kulang ang mga health workers na maaaring tumugon kapag nagkaroon nga ng surge ng kaso ng COVID-19.
Ipinabatid ng FNU na lumalabas sa isinagawa nilang survey na karamihan sa mga ospital ng gobyerno ay kulang ng 40 hanggang 50 nurse batay sa bed capacity.
Ang pagtaas anito ng bed capacity ay dapat tumugma sa pagtaas o pagdami rin ng health staff.
Binigyang diin pa ng FNU na ang pagpapatupad muli ng lockdown ay pag-ulit lamang sa kabiguan noong isang taon na hindi magiging epektibo kung hindi palalakasin ang Public Health Care System, Basic Public Health Measures at Economic Support para sa mga Pilipino.