Umalma ang Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) sa anito’y ginawang pagtrato ni Presidential Spokesman Harry Roque sa reporter ng BBC.
Ang tinututukoy ng FOCAP ay ang anila’y pagiging arogante at kawalang respeto ni Roque kay BBC journalist Virma Rivera na sinabihan nitong tawagan siya para mapag-usapan nila ang report nito hinggil sa mga mangingisdang Pinoy na pinigilan ng mga barko ng China na makapangisda sa Scarborough Shoal.
Sinabi ng FOCAP na simple lamang naman ang tanong ni rivera o paghingi nito ng komento sa una nang pahayag ng palasyo na nagsinungaling ang Pinoy fishermen nang sabihing wala silang access sa nasabing katubigan.
Pangmamaliit anito ang dating ni Roque habang itinatanggi ang BBC report at ipinahihiwatig ang masamang motibo ng network kasabay ang pagbatikos kay Rivera.
Binigyang diin ng FOCAP na ginagawa lamang ng mga journalist ang kanilang trabaho gayundin ang BBC na ini-report lamang ang nakita nila at inilabas ang istorya base sa pagkaka kuwento sa kanila.