Nagpapatuloy ang focused military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa NPA o New People’s Army at iba pang lawless elements sa bansa.
Inihayag ito sa DWIZ ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla.
Kasabay nito, sinabi ni Padilla na isinasailalim na sa training ang mga piloto sa paggamit ng FA-50PH jet fighters.
“Parating pa lang po ang karamihan dito at kasalukuyang tayong nagsasagawa ng transition training na tinatawag, yan po ang pagsasanay ng ating mga piloto upang maging bihasa sila sa paggamit ng kagamitang ito, patuloy po yan at in due time ay matatapos din natin ito, pero hindi pa po sa ngayon.” Ani Padilla
Idinagdag ni Padilla na sa ngayon ay nakahanda naman ang iba pang kagamitan ng AFP upang tumugon at magbigay ng closed air support partikular sa kasangga nito sa mga offensive operation, ang Philippine National Police.
Samantala, kumbinsido si Padilla na mga miyembro ng NPA ang nasa likod ng Bansalan ambush kung saan napatay ang 4 na pulis.
“May survivor kasi na isang tao at lumabas sa report ng PNP at ang survivor na ito ang nagpatibay na ang hanay ng NPA ang siyang sumalakay. Sumunod lang ang grupo ng SOCO, na non-combatant at lightly armed para mangalap ng ebidensya pero tinambangan sila.” Pahayag ni Padilla
Aniya posibleng dahil sa patuloy na operasyon ng militar sa eastern Mindanao at mga karatig lugar kaya sumalakay ang mga rebelde.
Binigyang diin ni Padilla na malabong matuloy ang peace talks sa rebeldeng grupo kung magpapatuloy ang mga ito sa pag-kidnap, panununog, pangingikil at pag-atake sa puwersa ng pamahalaan.
Martial Law in Mindanao?
“Kung kinakailangan ay handa tayong tumugon sa kahilingan ng ating pamahalaan.”
Ito naman ang pahayag ni Padilla matapos ang banta ni Pangulong Duterte na pagdedeklara ng Martial Law sa Mindanao dahil sa pagtaas ng lawless incidents sa lugar.
Sinabi ni Padilla na sa ngayon ay wala silang nakikitang compelling reasons para magdeklara ng Martial Law sa Mindanao ngunit handa aniya silang magsagawa ng mga operasyon kung kinakailangan upang magdala ng katahimikan sa mga lugar kung saan may kaguluhan at wala nang paraan para patahimikin.
Tiniyak ni Padilla na sa bawat operasyon na kanilang isinasagawa ay sinisikap nilang walang mabiktimang inosenteng sibilyan at nakatutuok lang sa mga elementong dapat managot sa batas.
By Meann Tanbio | Aiza Rendon | Ratsada Balita (Interview)
*Photo Credit: CPP website