Pwede na muli ang pagdala ng ‘folded umbrella’ kasama sa hand-carry baggage sa loob ng eroplano.
Ito ang kinumpirma sa isang Facebook post ng Office of Transportation Security (OTS) of the Department of Transportation ngayong araw ng Linggo, Oktubre 20.
Subalit ayon sa OTS, bawal pa rin isama sa hand-carry baggage ang mga ‘cane umbrellas’ o yung mga payong na mahahaba.
Ito’y dahil ang mga cane umbrellas ay may patusok na dulo at maaaring maging panganib kung dadalhin kasama ng mga pasahero.
Hulyo ng kasalukuyang taon nang maglabas ang OTS ng bagong listahan ng mga ‘prohibited items’ sa loob ng eroplano.
Kasama nga dito ang payong kung saan nasa kategorya ito ng ‘objects with sharp points and edges’.