Pormal nang naghain ng petisyon ang kampo ni mayoralty candidate Atty. Alex Lopez para sa agarang pagpapalabas ng mga food packs at senior citizen allowance ng Manileños, sa pamahalaang lungsod ng Maynila at Commission on Elections (Comelec).
Ang petisyon ay nilagdaan nina Lopez at Atty. Bimbo Quintos, tumatakbong konsehal ng ika-apat na distrito ng lungsod.
Inihirit nina Lopez at Quintos ang agarang pag-re-release ng mga ayuda at amelioration para sa mga matatanda na dapat sana ay noong pang Marso natanggap ng mga ito at hindi kailangan ipamahagi ito bago sumapit ang May 9 elections.
“We condemned the politicization of the release of these food packs and senior allowance. It should not be release days before the election, so as not to influence the decision of the voters,” ani Lopez.
Aniya, posibleng makaimpluwensiya ang ganitong istilo sa magiging desisyon ng mga botante.
Isa aniyang ‘bulok’ na pamamaraan ng pamumulitika ang ganitong uri ng hakbang para lamang tumatak sa isipan ng mga botante na mayroon silang malasakit sa mga ito, na ang totoo’y inipit lang aniyang ilabas ang mga dapat sana noon pa natanggap ng mga benepisyaryo.
“The delay of the release shows that the city council and the vice mayor do not have the best interest of the people, but only their selfish interest,” wika ni Lopez.
Tahasan aniyang ipinakikita ng konseho at ng bise-alkalde na hindi mahalaga ang kapakanan ng mga mamamayan, kung hindi ang pangsarili lamang nilang mga hangarin sa buhay.
“This is the reaason why Manileños are hungry because of the selfish interest of the chosen few of the council,” ani Lopez.
Giit pa ng abogado, binibinbin ng mga opisyal ang pagpapalabas ng food packs at senior citizen social amelioration upang maimpluwensiyahan ang darating na eleksyon.
“It should be distributed with timeliness,” dagdag pa ni Atty. Lopez.