Pinatitiyak ni Senator Francis Pangilinan sa pamahalaan na hindi dapat maapektuhan ang food security ng bansa sa pagtaas ng presyo ng bigas sa world market.
Ito’y makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na tumaas ng 25% hanggang 30% ang presyo ng bigas mula Enero gayundin ang iba pang pangunahing pagkain tulad ng isda, gulay at prutas.
Ayon kay Pangilinan, hindi kakayanin ng mga Pilipino kung patuloy pang sisirit ang presyo ng bilihin lalo’t marami ang nawalan ng trabaho dahil sa krisis na dulot ng pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa ulat ni Agriculture Secretary William Dar, mayruon pang buffer stock ng bigas ang bansa na tatagal ng 60 araw.
Kaya naman siniguro ni Dar na hindi kakapusin ng bigas ang bansa lalo’t nangako ang Vietnam na patuloy silang magbebenta para sa Pilipinas.