Hindi dapat gawing pang-matagalang patakaran ang mababang taripa sa mga inaangkat na mga mahahalagang produkto, tulad ng agricultural products.
Ito ang inihayag ni Senate Majority Floorleader Joel Villanueva matapos aprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapalawig hanggang sa katapusan ng taong 2023 ng mababang tariff rates sa imported agricultural products sa kabila ng mataas na inflation rate.
Ayon kay Villanueva, bagaman nagpapasalamat siya na inaprubahan ni Pangulong Marcos ang rekomendasyon ng National Economic Development Authority na palawigin ang mababang taripa, mahalaga pa ring palakasin at ipagpatuloy ang modernisasyon ng agricultural sector.
Ito’y upang matiyak anya ang seguridad sa pagkain at palaganapin ang paglikha ng trabaho sa nasabing sektor.
Iginiit ng Senador na hindi araw-araw ay Pasko at kailangang matiyak na may pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino sa bawat araw.
Una nang naghain ang mambabatas ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ng Senado kung paano matitiyak ang seguridad sa pagkain at paano mapalalakas ang agrikultura at pangisdaan sa bansa. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)