Aprubado na ng House Special Committee on Food Security ang panukalang batas na mag-oobliga sa lahat ng mga establisyemento sa bansa tulad ng restaurants na ipamigay sa mga mahihirap na pamilya ang lahat ng sobra at matitirang mga pagkain.
Ayon kay Sorsogon Representative Evie Escudero, isa sa may akda ng substitute bill na Food Waste Reduction Act, may ilang probisyon na lamang ang kinakailangan nilang baguhin at talakayin sa plenaryo.
Partikular aniya dito ay ang parusa na ipapataw sa mga establisyementong lalabag sa nasabing panukala.
“Kasi medyo nagrereklamo ang iba masyadong mataas etc., so ‘yun na lang ang pinag-uusapan, siguro pagbalik namin sa Kongreso, hopefully ma-tackle na ‘yan and probably before the end of the session ngayong year na ito eh mapasa namin, hopefully po.” Ani Escudero
Iginiit naman ni Escudero na pangunahing layunin nila sa nasabing panukala ang mabawasan ang mga nasasayang na pagkain kasabay na rin ng pagpapababa sa bilang mga nagugutom na Filipino.
Pagtitiyak naman ni Escudero na magkakaroon ng mahigpit na pagsusuri sa mga makukuhang pagkain para masigurong maaari pa itong makonsumo ng mga tao.
“Magkakaroon tayo ng mga tinatawag nating food banks, doon natin ilalagay ‘yung mga fit for human consumption pa, they can distribute ito to different agencies na nangangailangan ng pagkain, ‘yun po ang ginagawa ng Red Cross ngayon, after receiving the food ay diretso agad sa nangangailangang ahensya.” Paliwanag ni Escudero
(Ratsada Balita Interview)