Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na kanilang ipatutupad ang forced evacuation sa mga lugar na nakatikim ng matinding hambalos ng super bagyong Rolly.
Iyan ang iniulat ni PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan kasunod ng ipinatawag na pulong balitaan ni Presidential Spokesman Harry Roque sa Kampo Aguinaldo ngayong umaga.
Ayon kay Cascolan, ipinag-utos niyang itaas ang full alert status sa mga lugar na nasa ilalim ng typhoon signal number 4 at 5 dahil sa matinding epektong dulot ng bagyo.
Naka-deploy na ang ating resources, mga tao malapit sa areas of concern natin tulad ng Northern Luzon at Southern Luzon. Ang NCRPO naman ay umiikot ang regional director pati na rin ang ating mga tauhan kung nasa pwesto na sila kung hinihingi rin yung impormasyon sa mga tao kung meron silang maitutulong para mapuntahan kaagad ng ating kapulisan ang PNP rin natin ay nakaprepera sa search and rescue. There will be forced evacuation para sa lahat kung nakikita ng kapulisan na delikado na ang inyong lugar,” ani Cascolan.
Kasunod nito, inatasan na rin ni Cascolan ang iba’t-ibang Directorate for Integrated Police Operation (DIPO) sa Luzon upang pangunahan ang disaster at humanitarian efforts sa mga nasalanta ng kalamidad.
Ang command in control natin ay ang mga DIPO’s or ating mga Directors for Integrated Police Office ng Southern Luzon si Gen. Manuel Abu, Northern Luzon Gen. Ferdinand Dawa, NCRPO Maj. Gen. Debold Sinas at ang PCC or ang PNP Command Center, ang ating sentro o ang focal ng lahat ng komunikasyon ng Philippine National Police in coordination sa NDRRMC,” ani Cascolan.