Nagpatupad ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur sa mga lugar na patuloy na hinahagupit ng bagyong Vinta.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Lanao del Sur Provincial Crisis Management Committee, nagpatupad sila ng code red o forced evacuation sa mga kritikal na lugar na kanilang nasasakupan.
Batay na rin ito sa ipinalabas na abiso ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Kabilang sa mga munisipalidad na binabaha ay ang Dechaan Ramain, Bubong Una Bayabaw, Gwadiposo Buntong at iba pa.
Sinabi pa ni Adiong na batay sa kanilang nakalap na impormasyon ay umabot na sa lima ang nawawala at mayroon na ring nasawi sa bayan ng Tugaya.
Evacuees
Nananatili pa rin sa mga evacuation centers ang mahigit apat na libong (4,000) pamilya na apektado ng bagyong Vinta sa Caraga Region.
Sinabi ni April Rose Ann Sanchez, Information Officer ng Office of the Civil Defense sa Caraga Region na maayos na ang lagay na panahon sa kanilang rehiyon ngunit meron pa ring mga lugar na lubog sa baha.
Sinabi pa ni Sanchez na wala rin silang natatanggap na ulat na may nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Vinta.
Nanatili naman na nakataas sa pinakamataas na alerto ang Caraga NDRRMC Emergency Operations Center.
Cagayan de Oro lubog sa baha
Samantala, balik normal na ang lebel ng tubig sa Cagayan de Oro river matapos itong umapaw dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na dala ng bagyong Vinta.
Gayunman sinabi ni Mabel Galvez, Information Officer ng Office of the Civil Defense Region 10 na dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog ay lubog sa baha ang ilang lugar sa Cagayan de Oro.
Katunayan lagpas tao na ang baha sa Sitio Acacia sa Barangay Carmen.
Samantala, sinabi ni Galvez na patuloy pa nilang inaaalam kung may nasawi bunsod ng masamang panahon dulot ng bagyong Vinta.
—-