Nakaamba ang forced eviction sa 3,000 pamilya na biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City.
Ayon kay Father Edwin Gariguez, Executive Secretary ng National Secretariat for Social Action ng Caritas Philippines, forced eviction ang nakikita nilang ginagawa ng lokal na pamahalaan sa mga residente dahil mayroong itinakdang deadline para lisanin nila ang lugar kung saan sila nakatira ngayon.
Hindi aniya kinakagat ng mga biktima ang paliwanag ng lokal na pamahalaan na ililipat lamang sila ng lugar habang hinihintay na matapos ang permanenteng pabahay na mula sa national housing authority at mga non-government organizations.
Sinabi ni Gariguez na tutol ang mga apektadong pamilya dahil wala umanong ilaw at tubig sa paglilipatan nilang lugar maliban pa sa mapapalayo sila sa kanilang pinagkakakitaan.
Umapela si Gariguez sa lokal na pamahalaan ng Tacloban na pakinggan ang hinaing ng mga apektadong pamilya at hintayin na lamang munang matapos ang mga permanenteng tirahang paglilipatan sa kanila.
By Len Aguirre