Beberipikahin na ng Department of Energy ang sanhi ng forced power outages na naka-apekto sa ilang lugar sa Luzon.
Tiniyak ni Energy secretary Raphael Lotilla sa publiko na i-ba-validate ng team mula sa ahensya ang kondisyon ng mga transmission lines at mga apektadong power plant.
Ayon kay Lotilla, tila ang kakulangan o kawalan ng supply ng krudo ng ilang planta ang sanhi ng forced outages.
Kahapon ay isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines ang Luzon Grid sa “Red alert” mula ala una ng hapon hanggang ala-6 ng gabi at Yellow alert mula alas-10 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon at ala-5 ng hapon hanggang alas-9 kagabi.
Ipinagbigay-alam din anya sa kanila ng MERALCO na inabisuhan na nito ang interruptible load program participants sa posibleng manual load dropping.
Isinasailalim sa Yellow alert ang isang lugar kapag bumaba sa ideal level ang supply ng kuryente habang Red alert kung matindi na ang kakulangan sa power supply na maaaring magresulta sa rotating power interruption.