Ipinagtanggol ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa mga bumabatikos sa kanyang naging sagot sa pagdinig ng Kamara sa issue ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Go na figure of speech lamang ang isinagot na “Puso” ni Cayetano nang matanong kung ano ang bentahe nito sa China pagdating sa isyu ng agawan ng teritoryo.
Ayon kay Go, malinaw naman na nailahad ni Cayetano ang posisyon ng bansa sa usapin ng West Philippine Sea.
Magugunita sa pagdinig ng Kamara ay ginamit ni Cayetano na sagot sa pagtatanong ng ilang Kongresista ang “Puso” na ginagamit ng Gilas Pilipinas Basketball Team tuwing lumalaban sa malalakas na koponan.
Iginiit din ng kalihim ng D.F.A. sa pagdinig na isinusulong ng administrasyon ang pangangalaga sa national territory at soberanya ng Pilipinas.