Nagkaroon ng positibong resulta ang mga pagbiyahe sa labas ng bansa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong 2024.
Ayon sa Presidential Communications Office, kabilang sa tagumpay na ito ay ang biyaheng Japan ni Pangulong Marcos na nagbigay-daan sa partnership sa pagitan ng Japanese Chocolate Manufacturer at ng Filipino chocolate company.
Nasa isanlibong pamilya anila ang magbebenepisyo sa partnership ng locally-owned auro chocolate at retail giant na Mitsukoshi ng Japan.
Sa biyahe naman ng Pangulo sa Vietnam, nakuha nito ang commitment ng vingroup company na nasa sektor ng electric vehicle battery production.
Samantala, ang biyaheng Melbourne, Australia naman ng presidente ay nagresulta ng 12 kasunduang pangnegosyo na nagkakahalaga ng 1.53 bilyong US dollars o 86 bilyong piso.
Ito ay sumasaklaw sa iba’t ibang sektor tulad ng renewable energy, malinis na teknolohiya, at mga solusyon sa pagre-recycle, pabahay, IT-BPM infrastructure, mga kagamitang medikal, at digital health services.
Umabot sa P1.62 trillion pesos ang naaprubahang investments sa pamamagitan ng Board of Investments sa taong 2024.
Ayon sa Department of Trade and Industry, nahigitan nito ang P1.5 trillion pesos na target ng pamahalaan.
Ang nasabing halaga ay mas mataas din kumpara sa 1.26 trillion pesos na investments na inaprubahan ng BOI noong 2023.
Nangunguna ang sektor ng enerhiya, partikular ang renewable energy projects, sa may pinakamalaking pagtaas sa approvals, na pumalo sa P1.38 trillion pesos.
Maliban dito, nakitaan din ng pagtaas ang ibang sektor gaya ng air at water transport, real estate activities, manufacturing, water supply, sewerage, waste management, at remediation activities. – Sa panulat ni Kat Gonzales