Ipinagtanggol ni dating Senador Juan Ponce Enrile si Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga batikos hinggil sa pagpapahintulot sa maritime activity ng China sa Benham Rise at pahayag na walang magagawa ang Pilipinas kung maglagay ang China ng mga istruktura sa Panatag Shoal.
Ayon kay Enrile, ang Pangulo ang arkitekto ng Foreign Policy ng bansa kaya’t maaari itong magdesisyon sa usaping panlabas nang hindi kailangang konsultahin ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Wala anyang mali kung hindi kinonsulta ni Pangulong Duterte ang mga kalihim ng Departments of National Defense at Foreign Affairs sa usapin ng Benham Rise at Panatag Shoal.
Iginiit ni Enrile na kalokohan na gamitin ang issue sa Benham Rise para sa impeachment complaint laban sa Pangulo at hindi rin ito maaaring obligahin na isapubliko ang istratehiya nito sa pagpapatakbo ng bansa.
Pinayuhan din dating Senador ang mga bumabatikos kay Duterte na bumalik at mag-aral muli ng Political Science o Sociology 101.
Kaugnay naman sa pahayag ng Pangulo na wala ng magagawa ang Pilipinas sa hakbang ng China, sinabi ni Enrile na mayroon namang “friendly way” upang ma-protektahan upang ipagtanggol ang territorial waters ng Pilipinas.
By: Drew Nacino / Cely Bueno