Mananatili pa sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig City si dating Senador Bong Revilla para sumalang sa ibat ibang tests.
Kabilang sa mga tests ayon kay PNP Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos ay blood chemistry, gastroscopy, treadmill stress test at pulmonary function test.
Sinabi ni Carlos na si Revilla ay binabantayan ng may bahay nitong si Mayor Lani Mercado ng Bacoor, Cavite.
Magugunitang isinugod si Revilla sa emergency room ng PNP General Hospital kahapon ng umaga matapos magsuka sa loob ng kaniyang detention cell sa Camp Crame.
Bukod sa pagsusuka, nakaranas din ng matinding pananakit ng ulo at hypertension ang dating Senador kayat inilipat na rin ito sa St. Lukes.
By: Judith Larino